Tuesday, March 8, 2011

Marami pang Laban, Marami pang Tagumpay

SA LAHAT NG KABABAIHAN LALONG-LALO NA ANG MGA BABAENG TUMATAYONG ULO NG TAHANAN:


Shared by CMA Director Ellene Sana

 hi all.
may we share the statement of the freedom from debt coalition (fdc) on the occasion of the 100th anniversary celebration of the international women's day. cma is a member of the fdc. 
domestic work is work! support an ILO convention on domestic work in 2011 100th session of the international labour conference of the ilo.

happy women's day to all!

from the cma women:
ana, ellene, hazel, irynn, katie 


Marami pang Laban,  Marami pang Tagumpay
( ika-100 taong anibersaryo ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan )
 
 
May 100 taon na ngayon,  Marso 8, 1911,  nang maganap ang mga unang martsa at mobilisasyon para ipagdiwang ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.
 
Realisasyon ito ng panawagan ni Clara Zetkin, lider sosyalista at peminista sa Ika-2 Internasyunal na Kumperensya ng Kababaihang Manggagawa na maglaan ng isang araw sa isang taon para ikintal sa lahat ang mga karapatan at kahilingan ng mga kababaihan. Sa maraming bansa, nagtulak ng laban ang mga babae para sa kanilang karapatang bumoto at mahalal at karapatan sa trabaho at para wakasan ang diskriminasyon sa trabaho. 
 
Makaraan ang 100 taon,  matibay, palabang nakapusisyon ang kababaihan sa kanilang pakikibaka. Marami nang tagumpay subalit malalim at laganap pa rin ang diskriminasyon na nag-iitse-pwera at nagbabalewala sa mga babae. Lalong totoo ito sa mga bansa ng Timog – sa Asya, Aprika at Amerika Latina.  Sistema, mga istruktura ng pagsasamantala at pang-aapi ang bumabara sa ating pagkakamit ng kapangyarihan sa pulitika at ekonomya.
 
Ang sentenaryong ito ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan ay ating ipagdiriwang sa panahon ng neo-liberal na globalisasyon. Isang panahon ng ibayong pagkadusta ng higit na nakararami habang ang iilan sa mundo – ang mayayamang kapitalistang bansa ng Hilaga, mga korporasyong transnasyunal, mga higanteng bangko at  mga naghaharing uri sa kani-kanilang bansa ay nagkakamal at nagkokonsolida ng yaman na walang katulad sa nakaraan.
 
Nasa isang panahon tayo na ang kalikasan at ang mga karapatang tao ay isinasakripsyo sa ngalan ng malayang pamilihan at kalakal. Nag-ibayo ang pagsasamantala sa mga katawan at kakayahan ng kababaihan, sa kanilang trabaho, oras at enerhiya ng mga patakarang neo-liberal na tumutukod sa di-makatarungang sistemang ito.
 
Winawasak ng mga kapitalistang bansa ng Hilaga ang proteksyon ng mga bansa ng Timog para lalong gawing mura ang halaga ng trabaho nila.  Dahil sa diskriminasyon sa gender, kabilang ang mga babae sa pinakamababa ang sweldo. Kabilang ang mga babae sa biktima ng labor contracting, ang iskema para lalong  pamurahin ang halaga ng paggawa. Dulot nito ang malawakang paglabag sa kanilang mga saligang karapatan sa trabaho - ang karapatan sa regular na trabaho, seguridad sa trabaho at mga benepisyong sosyal na itinadhana ng batas. Pinagtatrabaho ang mga babae nang lampas sa 64 oras sa isang linggo. Hindi kasama rito ang pagtatrabaho nila nang walang bayad.
 
Trabaho ng mga babae ang pampuno tuwing kakaltasin ang badyet sa social services at isasapribado ang mga ito - mga kondisyones para tayo pautangin ng mga bangko at gubyernong dayuhan, at mga kaltas para makabayad tayo sa utang. Di nga ba't  nagpapakulo sila ng tubig at sumasalok kung walang kuneksyon sa tubig?  Naghahagilap ng mga pantapal kung walang pambili ng gamot; umaasa sa am- sabaw ng bigas kung walang pambili ng gatas at paggawa ng lampara ng langis ng niyog kung walang kuryente ?
 
Ayon sa mga survey, sobra sa kalahati ng trabaho at oras ng mga babae ay ginugugol nila sa mga trabahong walang bayad tulad ng pag-aalaga ng bata, produksyon ng pagkain, gawaing bahay at pag-aalaga sa mga maysakit at matatanda.  Ang oras na ginugugol ng mga babae sa trabahong may bayad ay umabot na sa 50-70 porsyento ng oras ng kalalakihan sa trabahong may bayad. Pero halos doble ang oras na tinatrabaho ng mga babae nang walang bayad kumpara sa mga lalake.
 
Pinupwersa ng neo-liberal na globalisasyon ang kababaihan sa iba't ibang porma ng mga trabahong madumi, nakakababa ng dignidad at peligroso.  Mas malaking bilang ng nagtatrabahong babae ay nasa impormal na sector na walang proteksyong sosyal. Milyun-milyong kababaihan na ang nangibang-bansa nang walang proteksyon laban sa pagsasamantala, maltratong pisikal, at abusong sekswal at sikolohikal.  Katuwang sila ng mga lalaking OFW na nagpapadala ng bilyun-bilyong remittance na laging nagsasalba sa dapat sana'y matagal nang lumubog na ekonomya ng bansa.
 
Nagsasalimbayan ang mga patakarang naglulubog sa kababaihan sa kahirapan at ang mga bias laban sa mga babae na nakabaon sa ating sistema.  Balakid sa hustisyang pang-ekonomya ng kababaihan ang inhustisya sa gender. Dahil sa pagiging babae kung kaya't target sila ng domestic violence, trafficking, harassment at rape. Ang karapatan nila sa pantay na sweldo o kita mula sa pantay na trabaho ay nilalabag dahil sila ay babae. Libu-libong babae ang namamatay dahil sa kawalan ng sapat na pangangalaga sa kanilang kalusugan bilang babae.
 
Lalong pinalalala ang inhustisya sa gender at inhustisya sa ekonomya ng mga krises na humahagupit sa daigdig sa ngayon.  Dahil sa krisis sa pinansya sa daigdig, gumuguho ang kabuhayan at produksyon sa pagkain, nagpapatung-patong ang utang at tumitindi ang pagsasamantala sa mga trabahong may bayad at wala.  Sa lahat ng ito, mas matindi ang tama sa kababaihan. Dahil sa mga krises sa enerhiya, pagkain at klima dulot ng pangangamkam ng mga kapitalistang bansa ng Hilaga sa likas na yaman at atmospera ng daigdig,  mas pipigain ang lakas paggawa ng kababaihan na siyang pumupuno sa mga kakulangan sa panahon ng krisis.
 
Ang mga karapatan at kalayaang nakatitik sa mga internasyunal na covenants at tratado ay patunay sa daan-taong pakikibaka ng kababaihan sa buong mundo.  Subalit sa pagtatasa ng kinalalagyan ng laban ng kababaihan ngayon, nakikita rin natin ang mga paglabag at ang mas delikado, ang pagbawi sa mga tagumpay na ito.
 
Hindi pwedeng palampasin ang " business-as-usual" ng gubyernong Noynoy Aquino, ng pagtanghal nito sa pribatisasyon na tinatawag nito ngayong "public-private partnerships" sa harap at sentro ng mga patakarang pang-ekonomya nito. Malayung-malayo ang mga programa nitong "conditional cash transfer" at "emergency employment" sa totohanan at mapagpasyang paglutas sa kahirapan ng mayorya at inhustisya sosyal sa ating lipunan. Wala itong kibo sa pangangailangang ipawalang-bisa ang Automatic Appropriations Law na nagtatakdang unahin ang pagbabayad ng utang  sa kapakanan ng mamamayan. Wala itong sinasabi tungkol sa pagkansela ng mga ilehitimong utang na kinorap lamang ng mga upisyales ng bansa, sumira sa kapaligiran at nagbunga ng dislokasyon ng mga komunidad at mamamayan.
 
Walang mangyayari kung aasahan lang natin ang gubyerno na tupdin ang obligasyon nitong respetuhin, protektahan at bigyang kaganapan ang mga karapatan ng kababaihan. Kailangang itong igiit.  Huwag nating kalimutan na ang mga karapatan at entitlements na ating nakamit, limitado pa man ang mga ito, ay nagmula sa matagal at mahirap na pakikibaka, mga tagumpay na laging dapat igiit, ipagtanggol at palawakin.
 
Wika ni Clara Zetkin, mahalaga ang mga repormang naipagwawagi dahil kabawasan ito sa mga pahirap na pinapasan ng kababaihan subalit tuntungan lang ito para baguhin ang sistema at mga istruktura – ang paglansag sa patriyarka, makauring pagsasamantala at pambansang kaapihan, na umaalipin sa atin at nagkakait ng kapangyarihan sa ekonomya at lipunan, laluna sa masang kababaihan.
 
Kapangyarihan sa ekonomya at lipunan para sa kababaihan ng Timog at buong daigdig!
Itigil ang privatization ng mga batayang serbisyong panlipunan!
I-repeal ang automatic appropriations law ! Kanselahin ang mga ilehitimong utang!
Gender justice, economic justice, climate justice NOW !
 
 
FREEDOM FROM DEBT COALITION
Marso 8, 2011
 

__._,_.___


.

__,_._,___