The Philippines' Floods
As if a corrupt government is not enough for our already-troubled-country, a calamity gleefully arrived at our Nation’s doorsteps.
Nakita natin ang mga larawan sa CNN at iba pang mga news agencies. Lahat tayong mga OFWs ay talagang nag-alala kung ano ang kahihinatnan ng ating mga mahal sa buhay. Alam nating lahat na tayo ay naririto sa ibang bansa dahil sa ating mga mahal sa buhay na naiwan natin sa Pilipinas.
Narito ang isang first hand information at nais kung ipabasa sa inyo. Marami sa ating mga kababayan ang may mga karanasang ganito.
Sa Agos ni Ondoy at iba pang Karanasan ko
by Eunice Barbara C. Novio via Facebook
Yesterday at 2:17pm
Gabi pa lang ng Biyernes, pagkatapos ng klase namin kay Ma'am Guy Claudio, humahagupit na pala ang bagyo. Nakauwi pa rin naman ako sa Pasig. Pero nabuwisit ako ng husto dahil nalaglag ang salamin ko sa mata na Dolce and Gabanna (courtesy of my mother). Hindi ko na makita, masakit na ang mata ko, medyo hilo pa. Setyembre 25, ito ng gabi.
Umaga ng Setyembre 26, walang tigil ang ulan. Baha na pala sa buong Pasig. Pero nagawa pa ring pumasok sa trabaho ni Tita Anne. Naghahanda na rin ako para sa flight ko ng 3:45 ng hapon. Alas siyete ng umaga, pinatawagan ko na ang Cebu Pacific kay Tita Ann muna upang malaman kung kakanselahin na ang biyahe. Ibinigay ang number ko at ang e-ticket number ko. Habang tumatawag sa Cebu Pacific, sinasabi ni Tita Ann ang mga mensahe ng airline, "kailangan pang pumunta sa airport para mag-check-in." Samantala sa News Advisory, pinagbabawalan na ang mga tao na lumabas ng bahay. Sarado na ang C5, at ang ilang lugar sa Edsa ay baha na rin.
Sinubukan kong kontakin si Kenneth Pangilinan, isang kaibigan, upang tumawag sa Cebu Pacific. Pareho rin ng sinabi kay tita Ann, kinakailangan kong magtungo sa airport para mag-check-in. Sa kabila ng maraming beses na pagkausap ni Kenneth sa Cebu Pacific, iisa lang ang mensahe ng walangyang airline: KAHIT DELUBYO MAG-CHECK IN KAYO, KASI PAG DI KAYO NAGPAKITA, KIKITA SI GOKONGWEI, DAHIL MAY PENALTY KAYO!
Ganap na ika-2 ng hapon, sinubukan kong lumabas ng bahay, may mga jeep pa rin na bumibyahe patungo sa EDSA Central. May byahe pa rin ang MRT. Pagdating ko ng MRT, napakaraming tao. Habang sakay ng train, nakikita ko kung paano tinatangay ng baha ang taxi sa may Taft avenue. Napakaraming tao ang naglalakad sa kabila ng ulan. Mas madali pa rin kasing maglakad kaysa sumakay sa bus. Sa Taft Avenue Station, hanggang baywang na ang tubig. Wala ng jeep na byahe papuntang Terminal 3. Napakaraming pasahero ng Cebu Pacific ang nangahas na lumusong sa tubig, ngunit nagbalikan rin sapagkat hanggang dibdib na ang baha sa domestic road.
Sabi ko kay kenneth, bahala na. Aawayin ko na lang sila bukas pag hindi nila ako isinakay.
Nakauwi pa rin ako ng Kapasigan (malapit ito sa Rotonda ng Pasig), ngunit wala nang byahe ng jeep papuntang Mutya ng Pasig Market. hanggang baywang na raw ang tubig sabi ng mga tsuper. Nagmamadali na rin ang mga tsuper dahil may mga pamilya rin silang naiwan sa kani-kanilang mga tahanan.
Hindi na rin mapakali ang gwardya ng Mercury Drug, sabi nya sa cashier, paano raw siya uuwi? Naisip ko paano rin kaya ako makakauwi? Sa Mindoro?
Blackout na pag-uwi ko ng bahay. Ubos na ang kandila namin. Ang mga cellphones ay paubos na ang charge ng mga baterya. Ang kapatid ko ay hindi makapunta sa Sagad, dahil sarado na ang Pinagbuhatan. Walang generator ang Palmdale Condominium. Hindi nga siya binaha, hindi naman siya makababa, kasama pa ang iba pang mga residente doon. Sabi nya, sa Sandoval Avenue ang mga residente ay kinuha na ng mga bumbero. Sunod-sunod din ang mga ambulansya. Maaasahan naman pala si Mayor Bobby Eusebio. Ang bahay ng tiyo ko sa Mercedez Village ay lumubog na rin sa baha. Tanging ang mga pinsan ko at ako na nasa Kapasigan ang mas maayos ang kalagayan.
Habang ang mga tao ay lumilikas, ang problema namin ay ang cellphones na lowbat ; ang kandila na nauupos na; ang ulam namin na delata, at hindi makapanood ng pekeng DVD movies. Samantalang ang iba, halos mabaliw na sapagkat hindi na makita ang kanilang mga mahal sa buhay, inanod ang kanilang mga ari-arian. Sabi ko nga: buti pa nga tayo yan lang ang iniisip. Ngunit batid ko rin at ng aking mga pinsan ang delubyo na nangyayari sa aming mga paligid, ngunit sa mga oras na iyon wala kaming magagawa.
Ang mga tambay sa tindahan ni kuya mel sa #15A. Afable, Sagad, ay walang ipinagbago ang gawain. Umulan, umaraw, dumilim, lumiwanag, naroon pa rin, nakaupo, nag-iinuman. Bago ako matulog napapakinggan ko ang kanilang mga boses. Sila rin ang gumigising sa akin sa umaga. WAlang ipinag-iba sa araw ng pagdating ni Ondoy.
Basang-basa si Tita Ann pagdating sa bahay. Naglakad siya mula sa Rosario hanggang sa Sagad. 2:30 pm umalis sa Lotto Outlet at nakarating sa bahay ng 5:45pm. Hanggang bewang ang baha. Marami siyang kasabay, lahat nagmamadaling makauwi, umaasam na sana'y madatnan pang nasa mabuting kalagayan ang mga iniwang tahanan. At sinigawan nya kami: HOY MAGSITIGIL KAYO NG REKLAMO, MAY INANOD NA NA BATA SA MAY FLOODWAY!
Setyembre 27
Sa panahong ito ng kagipitan, malalaman mo rin kung sino ang mga kaibigan na dapat lapitan. Si Glenn Ramos Balagot ang una kong naisip na hingan ng tulong upang makakuha ng tiket sa PAL para sa umagang byahe sakaling hindi ako makasakay ng Cebu Pacific. Go agad ang lola mo sa PAL office sa San Jose para kunan ako ng tiket. Habang naghihintay siya ng connection, naisama na rin ako bilang chance passenger.
Maaga pa ako umalis ng bahay. Medyo sumikat na ang araw. Kelangan kong makarating ng terminal 3. Halos umapaw ang Terminal 3 sa dami ng na-stranded na mga pasahero. Marami sa kanila ang nagmumura na, sapagkat hindi na sila bigyan ng pagkakataon na makasakay. Isang taga Tacloban ang talagang nagsisigaw sa empleyado ng Cebu Pacific sapagkat hindi bigyan ng pagkakataon na makasakay ang pamangkin nya.
Humigit kumalang ay ganito ang dialogue (parang diayalogo ko rin)
"nagtangka naman kami pumunta dito, kaya lang wala ng byahe. hindi na kami makarating. Tumatawag naman kami sa inyo, hindi kayo nagasagot!"
At ang nasa check-in counter:
"Hindi po namin kasalanan na bumagyo.Hindi talaga siya pwedeng sumakay."
Nagmura na ang lalaki.
Umalis na ako, kasi priority #1 ako. Alas tres ko pa malalaman kung makakasakay ako.
Bago ako nakakuha ng Number:
Sabi ko sa babae sa check-in counter, tumawag ako sa hotline at sinabi sa akin na pumunta na ako at mag-check in dahil cancelled flight ko kahapon. Inabot nya ang stub na may numero.
Pero tumambay pa rin ako sa STand-By Counter.
Sari-saring reklamo ang maririnig. At ang mga empleyado, walang maayos na sagot kundi: magpenalty payment.
Sumabat na ako: dapat may special flight kayo di ba?
Babae sa Counter: Kasi po bagyo eh. Saka hindi basta-basta magspecial flight, may mga tariffs pa yun.
Sagot ko: Wala bang ibang measures and kumpanya para sa mga ganitong sitwasyon?
Babae sa Counter: Hindi umimik.
Ang mga naroon nakatingin at naghihintay ng sagot.
Alas siyete ng umaga, binagtas na ng kapatid ko ang kahabaan ng Sandoval Avenue, Pinagbuhatan, Pasig. Sinuong niya ang baha kahit pa may mga ihi ng daga tiyak dun. Naku leptosporiasis (tama ba spell) ang mahihita pag nagkataon. Nakarating siya sa Sagad ng alas-onse ng tanghali. Nasa airport na ako.
Napakaraming tao sa Terminal 3. Karamihan ay naipit ng bagyo. Ang iba ay may mga connecting flights pa. Marami sa kanila nagmula pa sa malalayong lugar at magtutungo na sa kani-kanilang mga probinsya. Ubos na ang pera, wala ng pambili ng pagkain. Ang pamunuan ng terminal 3 at ang Cebu Pacific mismo ay walang pakialam. Siguro nga mas gusto nila, kasi magbabayad ng doble ang mga pasahero. Ipalagay nang lugi sila, pero sino ba ang may kagustuhan na mangyari ang bagyo? Marapat lamang na ang pamunuan ay magsagawa ng mga hakbangin upang matugunan ang sitwasyong ito. Siempre pa tiba-tiba ang mga restaurants sa loob. Isipin nyo na lang na ang Yellow Cab na saksakan ng mahal ang pizza, sold out? Pati na ang Mini-Stop at Jollibee? Sa ganitong mga pagkakataon, lalo lang higit na kumikita ang mga kapitalista.
Gutom na ako. ayoko nang bawasan ang P2,000 ko. Baka hindi ako makasakay, o magbago ang rules nila at pagbayarin pa ako. Sa kabutihang palad (siguro may nagdadasal para sa akin)nakita ko ang Obispo Antonio Palang ng Occidental Mindoro, nag-palitan kami ng balita at maya-maya pa isinama na niya ako para kumain, nagpabaon pa ng pagkain at pera. Minsan may swerte rin kahit maliit.
Ano nga ba ang leksyon ni Ondoy: Sabi ni Kuya Kim, sa panahon ng sakuna, ligtas ang pamilyang laging handa.
Ngunit ligtas nga ba?Nakapaghanda nga ba?
Sa ngayon, ang rumaragasang baha ay mananatili na sa aking alaala, ang mga sasakyang bumaliktad at mga taong naglalakad sa malalim na tubig. Higit sa lahat ang kasakiman ng mga tao, siempre partikular na ang CEbu Pacific at kawalan natin ng laban sa galit ng kalikasan.
Kahit paano,naibsan na rin ang bagabag ko, kapiling ko na ang aking mga anak.
Sa Pasig wala pa rin daw kuryente.
Puno ang Cebu Pacific flight 5JI5. Pero marami pa ang hindi nakakasakay. Swerte ko lang siguro.
No comments:
Post a Comment